TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na hindi mapaparalisa ang pampublikong transportasyon sa dalawang araw na tigil-pasada na magsisimula ngayong Lunes, Abril 15.
“Clearly they will not paralyze metro manila and most especially the whole of the Philippines,” pahayag ni DOTr Undersecretary for Roads Sector Andy Ortega, kasabay ng pagsasabing bigong maparalisa ng mga nagdaang transport strike ang pampublikong transportasyon.
“Those planning to rally or protest account for merely 5% of the entire transportation sector,” dagdag pa ni Ortega.
Nitong Huwebes, inanunsiyo ng Piston at Manibela na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa Abril 15 at 16 bago ang nalalapit na deadline ng consolidation ng mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs) sa Abril 30.
Nauna nang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala nang extension ang aplikasyon para sa consolidation ng individual public utility vehicle (PUV) operators para bumuo o sumali sa transportation cooperatives.
Matatandaan na noong Enero ay pinalawig ng Pangulo ang deadline ng consolidation sa Abril 30, 2024.
EVELYN GARCIA