(Sa 2-day nat’l enforcement activity) 747 ESTABLISIMIYENTO SINALAKAY NG BIR

PINANGUNAHAN ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang serye ng mga pagsalakay sa mga establisimiyento noong nakaraang July 13-14.

Lumahok ang lahat ng Revenue Regions at ang Large Taxpayers Service sa naturang two-day national enforcement activity.

“Comply with our regulations on excisable products. Cigarettes, Vape, Alcohol Products, Sweetened Beverages, Petroleum Products, Mineral Products, Automobiles, and other excisable articles are being closely monitored. Pay your excise taxes. We will raid non-compliant businesses. We will close their operations,” wika ni Commissioner Lumagui.

May kabuuang 747 tindahan, bodega, at iba establisimiyento ang sinalakay ng buong puwersa ng BIR.

Hindi pa malinaw ang kabuuang tax liability ng nasabing mga non-compliant business dahil nagsasagawa pa ng imbentaryo ang BIR sa lahat ng mga produktong nakumpiska.

Ang malinaw ay determinado si Commissioner Lumagui na sampahan ng mga kasong kriminal ang mga trader at owner ng mga sinalakay na tindahan, at wasakin ang mga nakumpiskang produkto.

Ang unang pagkakataon na nagsagawa ang BIR ng nationwide raid ay pinamunuan din ni Lumagui noong January 2023. Pagkatapos nito ay pinangunahan din niya ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa illicit traders na natuklasan sa January raid noong Mayo.