INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Pateros ang programang “Resbakuna” booster shot vaccination sa mga outlets ng Jollibee at McDonald’s na nasasakupan ng munisipalidad.
Ang booster shot vaccination program na ilulunsad sa Jollibee ay magsisimula sa Lunes (Marso 14) samantalang ang pagbibigay naman ng booster shots sa McDonald’s ay nakatakdang simulan isang linggo makaraan ang pagbubukas ng Jollibee.
Matatanggap ng bawat indibidwal ang kanilang booster shots sa Jollibee tuwing Lunes at Huwebes kung saan papayagan din ang mga walk-ins ngunit para lamang sa mga walang comorbidities.
Gayundin, naunan nang inilunsad nitong Marso 8 ang “Resbakuna sa Botika” program sa Watsons Pharmacy sa munisipalidad kung saan nakaiskedyul naman ang pagbibigay ng booster shots dito tuwing Martes, Miyerkules at Huwebes.
Ang bawat vial ng COVID-19 vaccine ay naglalaman ng hindi lamang isang dose kundi anim na dose kung kayat pag hindi umabot sa anim na tao ang pagkakalooban ng bakuna ay pinakakansel na ito ng mga nagtuturok ng bakuna upang hindi masayang ang vaccine.
Nabatid pa na ang cost of maintainance sa pang araw-araw na operasyon sa bawat vaccination site ay aabot ng P30,000 kabilang na dito ang manpower at elektrisidad na ginagastusan naman ng munisipalidad. MARIVIC FERNANDEZ