TINATAYANG aabot sa 50,000 hanggang 70,000 Filipino ang maisasalba sa coronavirus disease (COVID-19) makaraang muling ipag-utos ang dalawang linggong modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa isinagawang pag aaral ng University of the Philippine, humigit kumulang sa 70,000 bagong kaso ng COVID-19 infections ang maiiwasan sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan.
“220,000 ang aming estimated projection sa August pero dahil nag-MECQ tayo, bababa between 50,000 to 70,000 ho ang bagsak, minus, dun sa bagong kaso,” ayon kay UP professor Ranjit Rye sa isinagawang pulong balitaan.
Matapos ang masusing pag aaral, pinagbigyan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kahilingan ng medical health workers na magkaroon ng pansamantalang breather o pahinga sa lumolobong bilang ng COVID-19 cases sa pamamagitan ng MECQ sa loob ng dalawang linggo na nagsimula kaninang madaling araw.
Sa kautusan ni Pangulong Duterte, inilagay sa MECQ ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan na siyang tinuturing na virus epicenter mula Agosto 4 hanggang 18 .
“Yun ay malaking implikasyon ng MECQ. Kung magtutulungan tayo, ang taumbayan, private sector at gobyerno at lalong mapaigting ang T3 (test, trace, treat) mas mataas pa ang kasong mase-save natin,” ayon pa sa UP expert.
Matapos na magluwag ang goberyo sa pinaiiral na community lockdown umakyat sa mahigit isang daan ng kaso ng COVID-19 sa bansa at mahigit sa 2,000 ang nasawi.
“Kung gusto nating makatulong sa frontliners natin, malaking bagay na ang stay at home so let’s make this MECQ work,” dagdag pa nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.