(Sa 2-year PBBM admin) 138K ARBs TUMANGGAP NG LAND TITLES

MAHIGIT 138,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang sa kasalukuyan ay nakatanggap na ng land titles sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Isang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, sinabi ng PCO sa isang post sa social media na kabuuang 138,056 ARBs ang nakatanggap na ng land titles mula July 2022 hanggang July 10, 2024.

Ayon sa PCO, nakaayon ito sa pangako ng Pangulo sa kanyang ikalawang SONA na ipagpapatuloy niya ang pagpapatupad ng agrarian reform program ng pamahalaan..

Gayundin, sinabi ng PCO kung paano tinupad ni Marcos ang kanyang pangako sa kanyang unang SONA noong 2022 na magpasa ng batas na magpapalaya sa agrarian reform beneficiaries mula sa agrarian reform debt burden.

Nilagdaan ni Marcos bilang batas ang Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act noong July 7, 2023.

Nangako si Marcos na tatapusin ang agrarian reform program sa kanyang  termino.

Ang programa ay nagsimula noong 1972 nang ipalabas ng kanyang ama na si late President Ferdinand E. Marcos Sr. ang Presidential Decree 2 na nagpatupad ng land reform program sa bansa.

Nakatakdang ihayag ni PBBM ang kanyang ikatlong SONA ngayong Lunes sa  Batasang Pambansa sa Quezon City sa joint session ng Kongreso.

ULAT MULA SA PNA