SA loob ng 200 araw na pagpapatupad sa community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic, bumaba ng 60 porsiyento ang kaso ng robbery at theft sa bansa.
Kaakibat din nito ang pagbaba sa iba’t ibang uri ng krimen dahil sa nakatuon at nakatutok ang Philippine National Police (PNP) sa paglaban dito.
Sa kabuuan , ayon sa Joint Task Force COVID Shield ang Filipinas ay nakapagtala ng 46% na pagbaba sa tinatawag ‘Eight Focus Crimes’ ng PNP na kinabibilangan ng kasong Murder, Homicide, Physical Injury, Rape, Robbery, Theft, Carnapping ng Motorcycles at Carnapping ng kotse.
Ayon kay P/ Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, ang datos sa nakalipas na 200 araw ay nagpapakita na taliwas ito sa inaasahang paglobo ng krimen sa bansa partikular ang kaso robbery at theft dahil na rin sa kawalan ng hanapbuhay at pagbagsak ng ekonomiya dulot ng pandemya.
“While the community quarantine denied criminal elements the usual opportunity to strike, the increased police visibility down to the barangay level is a big factor in reducing criminal incidents across the country,” ani Eleazar.
Base sa JTF COVID data mula sa PNP, umaabot sa 18,683 crimes ang naitala sa Eight Focus Crime mula Marso 17 hanggang nitong Oktubre 2 kumpara sa 34,768 criminal incidents mula Agosto 30, 2019 hanggang Marso 16, 2020.
“Translated to a daily crime average, the Philippines has recorded an average of 93 criminal incidents per day during the 200-day implementation of the community quarantine compared to 174 per day incidents of the 200-day period before the community quarantine implementation,” giit ni Eleazar.
Ang pinakamalaking naitalang pagbaba ay ang motorcycle carnapping na nasa 64%, mula sa 2,210 cases ay umabot lamang ito sa 786 sa loob ng quarantine period.
Sa robbery case, bumaba ng 61% o 5,627 ang kaso nito, nakapagtala lamang ng 2,073 samantala sa theft, bumaba ito ng 60% mula sa 11,653 cases tungo sa 4,690 na katulad din sa kaso ng carnapping of cars na mula sa 240 ay sumadsad ito sa 97 kaso.
Sa physical injury naman, bumaba ng 38% o mula 5,958 ay naging 3,692 na lamang at maging sa rape cases bumaba rin ito mula sa 5,080 ay 3,911 o 23% na lamang.
Maging ang murder cases ay bumaba ng 20 porsiyento mula sa 3,463 ay 2,761 na lang habang ang homicide cases ay nagtala ng 25 percent na pagbaba mula sa 897 kaso, 673 na lang ang naka-record.
Nauna nang inatasan ni PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan ang lahat ng police commanders na tuloy tuloy na palakasin ang presensiya ng kapulisan sa lahat ng komunidad at magkaroon ng tuloy tuloy na ugnayan sa mga barangay officials hindi lamang para sa pananatili ng peace and order kundi makatulong din sa pagsawata sa pagkalat ng COVID-19. VERLIN RUIZ
Comments are closed.