CAVITE – NAGMISTULANG magarbong birthday party ang ResBakuna Kids’ COVID-19 vaccination program ng DOH-Calabarzon na ginanap sa Sky Ranch, Tagaytay-Nasugbu Higway sa Kaybacal South, Tagaytay City kahapon ng umaga.
Pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Health (DOH-Calabarzon ) ang pagbabakuna sa 200 batang may edad 5 hanggang 11-anyos na karamihan ay naka-costume pa ng super heroes na ginanap sa sikat na theme park sa nasabing lungsod.
Nagbigay ng suporta sa ResBakuna Kids vaccination rollout ang SM mall sa pamamagitan ng libreng food packages sa mga frontliner na nurse at personnel ng DOH na lumahok sa nasabing programa.
Samantala, namahagi rin ng Teddy Bear toys at ibang laruan para sa batang nagpabakuna upang hindi mabalisa at matakot kung saan nagbigay sigla rin ang mga Mascot habang isinasagawa ang vaccination rollout sa apat na tent na may palamuting pambata.
Unang isinalang sa vaccination program para sa symbolic rollout ay ang 6-anyos na anak na babae ni Tagaytay City Vice Mayor Reymond Ambion na si Azuri Iris Ambion bago sinundan ng iba pang bata na naka-costumes na super heroes.
Samantala, pinangasiwaan naman ni Tagaytay City Health Officer Team leader Dr. Armida Camposagrado ang vaccination drive.
Kabilang sa mga dumalo sa ceremonial vaccination rollout ay sina DOH Undersecretary Roger P. Tong-An, DOH-CHD Calabarzon asst. Regional director Dr. Leda M. Hernandez, Tagaytay City Vice Mayor Reymond Ambion, Councilor Aniela Bianca Tolentino, Provincial Health Officer Dr. Nelson C. Soriano at SM Malls Asst. Vice President for Mall Operations Lorenzo Leon A. Calingasan IV.
Base sa tala ni DOH Information Officer Jerold T. Tagbo, aabot sa 10,736 bata sa Tagaytay City ang babakunahan sa mga susunod na araw habang sa buong lalawigan ng Cavite ay may 554, 940 bata naman kinakailangang bakunahan sa ilalim ng vaccination program para maprotektahan laban sa patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa bansa. MARIO BASCO