KINANSELA ng Philippine Basketball Association ang 2020 All-Star Game sa Panay Island City dahil sa COVID-19 pandemic.
“As of now cancelled na. I-re-resume natin by next year. At kung papayag uli ang Passi, sila pa rin (ang host),” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Ito ang unang pagkakataon na hindi idaraos ang midseason spectacle magmula nang ilunsad ang annual event noong 1989.
Malungkot na inanunsiyo ni Marcial ang kanselasyon ng All-Star Game, at sinabing gagahulin sila sa panahon kahit payagan pa ng pamahalaan ang pagbabalik ng PBA Season 45 bago matapos ang taon.
Hindi rin, aniya, mawawala ang ‘uncertainties‘ dahil sa sitwasyon na nilikha ng COVID-19 pandemic.
“If ever, we’re good for one conference, eh mag-bobotohan pa tayo (for the composition), kakausapin pa ang venue. As of now, papayag ba ang venue na pumunta tayo doon? At the same time, alam ko ang mga venues sa probinsya ginagamit na quarantine centers,” ani Marcial.
Noong nakaraang taon ay nagpasiklab si Japeth Aguilar sa slam-dunk nang pangunahan ang North Stars sa 185-170 panalo laban sa kanilang South counterparts sa All-Star Game sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.
Comments are closed.