ILAN sa priority sectors ng pamahalaan ang binawasan ang alokasyon sa panukalang 2025 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso.
Lumitaw sa NEP para sa fiscal year 2025 na kumpara sa 2024 General Appropriations Act (GAA) o ang kasalukuyang national budget, ang health sector ay tatanggap ng P297.6 billion, mas mababa sa P308.3 billion ngayong taon. Ang health sector ay kinabibilangan ng Department of Health (DOH) at PhilHealth.
Ang agriculture sector ay nakakuha ng panukalang budget na P211.3 billion, mas mababa kumpara sa P221.7 billion sa kasalukuyang GAA. Kabilang sa sektor na ito ang Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, at ang lahat ng attached agencies at corporations.
Ang panukalang budget para sa social welfare sector ay P230.1, mas mababa rin kumpara sa GAA ngayong taon na P248.1 billion.
Ang public works sector ang may pinakamalaking tapyas sa budget na P97 billion kumpara sa budget nito sa kasalukuyang GAA.
Hindi ipinaliwanag ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang mga ispesipikong dahilan sa pagbaba ng panukalang budget sa ilang sektor subalit sinabing ito’y dahil sa mga amyenda na isinagawa sa Kongreso.
“Ang pagbaba po nitong mga ito ay karamihan po dito sa mga increase ay amendments ng Senate at ng Congress, House of Representatives,” sabi ni Pangandaman.
Idinagdag pa niya na may P23 billion na tapyas sa DOH, P15 billion na bawas sa Labor and Employment, P14 billion cut sa State Colleges and Universities, at P12 billion cut sa Kongreso.
Tumaas naman ang panukalang budget ng transportation, education, defense, at interior and local government sectors.
“[The] total increase for DOTr [Department of Transportation] is P107 billion, 145 percent increase. Yung increase ng DOTr ay mapupunta mostly sa mga rail projects. [The] bulk of it, P63.9 billion, will go to North-South Commuter Railway System, and another P39 billion for Metro Manila subway project,” sabi ni Pangandaman.
Aniya, tumaas ng P31 billion ang panukalang budget para sa Department of Education, P15.8 billion sa Department of the Interior and Local Government, P15.7 billion sa Department of National Defense, at P14.7 billion sa Department of Agriculture.
Ang total proposed budget para sa 2025 ay P6.352 trillion, mas mataas ng 10.1 percent kumpara sa budget noong nakaraang taon.
Ayon sa DBM, layunin ng panukalang budget na suportahan ang goal ng pamahalaan para sa economic at social transformation.