(Sa 28 public schools) F2F CLASSES SA MUNTINLUPA IBINALIK NA

PORMAL nang ibinalik ang face-to-face classes sa elementarya at high school sa mga pampublikong eskwelahan sa Muntinlupa simula kahapon matapos na pansamantalang ipatupad ng lokal na pamahalaan ang blended learning bunsod ng nararanasang mataas na temperatura sa lungsod.

Ayon kay Muntinlupa Schools Division Superintendent Evangeline Ladines, ang pagbabalik ng face-to-face classes sa Muntinlupa ay ibinase sa memorandum na inisyu ng lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad nito sa lahat ng 28 pampublikong elementarya, junior at senior high schools sa naturang dibisyon.

Sinabi ni Ladines na ang kautusan sa pagpapatupad ng blended learning mula Mayo 2 hanggang Hunyo 2 ay hinggil sa nararanasang matinding init ng panahon na magdudulot ng panganib sa mga estudyante at guro.

Dagdag pa ni Ladines na ang lahat nga eskuwelahan ay inaatasang sumunod sa polisiya ng pagpapatupad ng face-to-face classes tulad ng pagsusuot ng uniporme at iba pa.

Matatandaan na nitong nakaraang Abril, ang School Division Office (SDO) ng Muntinlupa sa ilalim ng Department of Education (DepEd) ay ipinatupad ang blended learning modality upang maprotektahan ang mga estudyante at guro sa mataas na temperatura at heat index. MARIVIC FERNANDEZ