(Sa 4th district ng Laguna) SIRA, LUBAK-LUBAK NA KALSADA, BARADONG DRAINAGE AT CANAL AYOS NA

DAHIL matatapos na ang tag-init at malapit na ang tag- ulan, minabuti ng tanggapan ni DPWH 4th District Engineer Corazon Cabatbat na ayusin at i- rehabilitate ang lahat ng sirang highway at kalsada ng 16 na munisipalidad ng ika-4 na distrito ng Laguna bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.

Kasamang ipinaayos ni Cabatbat ang lahat ng baradong canal at drainage na nasa mga pangunahing bayan ng nasabing distrito na nagiging sanhi ng baha sa mga kalsada at maging sa maraming kabahayan.

Partikular na agaw pansin ang mas pinalawak at sinementong highway mula Pagsanjan patungong Cavinti- Luisiana sa Laguna na nag- uugnay naman sa mga bayan ng Lucban at Tayabas sa Quezon.

Maihahalintulad sa zigzag road sa Baguio, Olongapo at Bitukang Manok sa Quezon ang zigzag road ng Cavinti at Luisiana kung saan makikita ang virgin forest ng Sierra Madre na nagtatampok sa mga naglalakihang puno at iba’t- ibang ibon na abot tanaw ng mga motorista.

Maging ang mga highway patungong mga bayan ng Lumban, Paete, Pakil, Siniloan at Mabitac ay pinalawak na rin at sementado dahilan para magkaroon ng biker’s road ng mga motorista patungong Marilaque road. ARMAN CAMBE