INAASAHAN na magiging tampok sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng armadong galamay nitong New People’s Army (NPA) ang mga pananalakay, taktikal at opensibang gerilya, pananambang at paghahasik ng karahansan kaya’t nakaalerto na ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon na walang bago rito kaya laging nakahanda ang national security forces para salubungin sila.
“Kung walang ceasefire pronouncement or declaration talagang naka-red alert ang Armed Forces at saka Phil National Police, kung meron mang banta ang CPP-NPA ay ano ba, ano ba ang bago?,” ani Esperon.
Nabatid na nakahanda na ang AFP at PNP laban sa mga posibleng pag-atake ng mga rebeldeng komunista ngayong holiday season lalo’t walang idineklarang Christmas truce gayundin ang papalapit na anibersaryo ng CPP-NPA sa Disyembre 26.
Pahayag naman ni PNP chief General Debold Sinas, base sa mga nagdaang karanasan nagpapakita ang CPP-NPA-NDF ng kanilang puwersa tuwing sumasapit ang kanilang anibersaryo.
Inaasahan ang pagpapakitang gilas ng mga ito sa pamamagitan ng pananalakay kaya’t inalerto ang lahat ng police unit lalo pa’t isang PNP patrol ang nasabugan ng landmine sa Barangay Balicua, Tubungan, Iloilo nitong makalipas na Linggo.
Bukod dito, nitong Disyembre 15, dalawang military trucks na may kargang relief goods para sa disaster victims ang nasabugan ng landmine sa Barangay Sogoy, Castilla, Sorsogon.
Gayundin, noong Disyembre 10 naman, isang police corporal ang nasawi sa landmine-ambush na ginawa umano ng CPP-NPA-NDF sa police team na nagsasagawa ng administrative mission at papunta ng korte sa Barangay Logero, Marabut, Samar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.