(Sa 990 kilos drug haul) PNP HANDANG HUMARAP SA SENADO

HANDA ang Philippine National Police (PNP) na humarap sa imbestigasyon ng Senado para linawin ang pagkumpiska sa 990 kilo ng shabu sa bodegang binabantayan ni dating Master Sergeant Rodolfo Mayo.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Red Maranan, layon nito na bigyang linaw ang mga isyung bumabalot sa nasabing usapin.

Ang pahayag ay ginawa ni Maranan matapos na hilingin ni Senador Bong Revilla ang legislative inquiry sa Senado kaugnay sa tangkang “cover up” sa insidente.

Ani Maranan, handang magpaliwanag si PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. kaugnay sa isyu ng “cover up” sa tamang panahon.

Tumanggi naman si Maranan na magbigay ng iba pang reaksyon sa naging pahayag ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. dahil si Azurin na ang mismong sasagot dito.

Matatandaan na sa press conference ni PNP-Drug Enforcement Group Director BGen Narciso Domingo nitong Martes, sinabi nitong ang lahat ng pagkilos ng PDEG kaugnay ng narekober na 990 kilo ng shabu ay ipinaalam nila kay Azurin. EUNICE CELARIO