ABRA- ISANG General at 11 iba pang tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang kinasuhan kaugnay sa naganap na shootout sa isang COMELEC checkpoint na ikinamatay ng isang close-in bodyguard ng bise-alkalde sa bayan ng Pilar lalawigang ito.
Sa isang pulong balitaan ay dinepensahan ni PNP chief General Dionardo Carlos ang mga pulis na sinasabing gumaganap lamang sa kanilang tungkulin subalit nahaharap ngayon sa kasong murder kaugnay ng nangyaring shooting incident sa Pilar, Abra nitong Marso 29.
Nilinaw ni Carlos na kanyang ginagalang at kinikilala ang trabaho ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang insidente.
Malinaw umanong hindi pinansin ng convoy ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono ang checkpoint ng mga pulis kaya’t nauwi ito sa barilan na ikinamatay naman ng kanyang bodyguard.
Sinasabing may mga video footage rin kung saan makikitang sinagasaan pa ng convoy ni Disono ang mga pulis.
May may intelligence report din umanong inihayag si Cordillera Regional Director Brig. Gen. Ronald Lee hinggil sa paggamit ng armadong kalalakihan sa lugar.
Nitong nakaraang linggo, kinasuhan ng NBI sa Department of Justice (DOJ) ang top police officers sa Cordillera Autonomous Region at Abra dahil sa nangyaring shooting incident na ikinasawi ni Sandee Boy Bermudo na tauhan ng vice mayor ng Pilar.
Mga reklamong murder, perjury at incriminating innocent persons ang inihain ng NBI laban sa mga opisyal at tauhan ng Cordillera at Abra PNP na kinabibilangan nina Cordillera Regional Director BGen. Ronald Lee, PNP Abra Acting Provincial Director Col. Maly Castillo Cula, at Pilar Municipal Police Station Chief Capt. Ronald Eslabra, at walong iba pang pulis.
Sinampahan din ng reklamo si COMELEC Pilar, Abra Election Officer II Rodrigo Basa II.
Inireklamo rin ang ilan pang hindi tukoy na pulis na miyembro ng Regional Mobile Force Battalion 15, Pilar Municipal Police Station, at Provincial Intelligence Unit ng Abra Provincial Police Office.
VERLIN RUIZ