(Sa anti-agricultural economic sabotage bill) FARMERS PROTEKTADO

PINURI ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang pagratipika ng Senado sa bicameral committee report sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill nitong Miyerkoles.

Bilang principal author, sinabi ni Ejercito na poprotektahan ng panukala ang estado mula sa mga economic saboteur, gayundin ang kabuhayan ng mga magsasakang Pinoy.

“Ang panukalang ito ay binhi ng pag-asa para sa ating mga magsasaka. Ito ay itinanim ng Senado para sa kanilang kinabukasan,” ani Ejercito.

Layunin ng panukala na ipa­walang-bisa ang Republic Act No. 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act”, at magpataw ng matinding parusa para sa smuggling, hoarding, profiteering, at pagbuo ng kartel ng agricultural at fishery products.

Punto pa ni Ejercito, magkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa mga lokal na magsasaka dahil wawalisin nito ang mga mapagsamantalang profiteer, hoarder at kartel.

“They are the pests who are choking our agricultural sector. This bill will uproot them and put them in jail, where they belong,” diin ng senador.

Pinuri rin ng senador mula sa San Juan si Senadora Cynthia Villar dahil sa kanyang paggabay sa pagsulong ng panukala sa Kongreso.

Pinasalamatan din niya sina dating Senate President Migz Zubiri at dating Majority Leader Joel Villanueva sa kanilang liderato.

“Nawa’y magbunga ang panukala na ito ng masaganang ani para sa ating bayan,” aniya.

VICKY CERVALES