(Sa apat na rehiyon) P442-M INFRA DAMAGE NI ‘GORING’, HABAGAT

PUMALO na sa P442.34 million ang tinatayang pinsala sa imprastruktura sa apat na rehiyon ng bagyong Goring at ng Habagat.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sa kabuuang pinsala sa Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley at Mimaropa (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan) regions, P146.28 million ang pinsala sa mga kalsada, P14.68 million sa mga tulay, at P281.38 million sa flood-control structures.

Ayon sa DPWH Bureau of Maintenance, hanggang alas-10 ng umaga nitong Sabado, apat na kalsada sa Cordillera region at tatlo sa Ilocos region ang hindi pa rin madaanan dahil sa pavement sinking, roadcut, landslides at scoured bridge abutment.

May kabuuang 26 kalsada ang muling binuksan ngunit kini-clear na ng DPWH ang mga sumusunod na sections na sarado sa lahat ng uri ng sasakyan: Abra-Ilocos Norte Road, San Gregorio, La Paz, Abra (dahil sa pavement sinking); Kennon Road, Camp One, Tuba, Benguet (bilang precautionary measure); Claveria-Calanasan-Kabugao Road, sections sa Barangay Namaltugan at Barangay Ninoy, Calanasan, Apayao (dahil sa roadcut at bumagsak na pavement); Dantay Sagada Road, Barangay Antadao, Sagada, Mt. Province (dahil sa roadcut at bumagsak na pavement); Ilocos Norte-Apayao Road, Barangay Maananteng, Solsona, Ilocos Norte (dahil sa landslides); Roxas Bridge, Vigan-San Vicente Road in Ilocos Sur (dahil sa scoured bridge abutment); at Pangasinan-Nueva Vizcaya Road, Barangay Malico, San Nicolas, Pangasinan (dahil sa soil collapse).

Isang lane lamang ang bukas sa light vehicles sa Vigan Bridge 1 at 2 sa kahabaan ng Bantay-Vigan Road sa Barangay 1, Vigan City, Ilocos Sur (dahil sa damaged abutment protection at bridge approach); at Nasugbu-Lian-Calatagan Road, Barangay Puting Kahoy, Lian, Batangas (dahil sa scoured shoulder at roadcut/collapsed pavement).

(PNA)