HINILING ni Senadora Cynthia Villar sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na humanap ng ‘alternative livelihood at job opportunities’ para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na maaapektuhan ng Kuwait deployment ban.
Kasabay nito, nakiisa ang senadora sa pagkondena sa malagim na pagkamatay ng OFW na si Jeanely Villavende mula sa kamay ng malupit na amo nito sa bansang Kuwait.
Anang senadora, kailangang kumuha ang DFA ng pinakamahusay na legal team upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang nagdadalamhating pamilya.
At sa pamamagitan ng POEA, kailangang panatilihin ng DOLE ang deployment ban hanggang magkaroon ng sapat na pagbabago upang masiguro ang kaligtasan, karangalan at dignidad ng OFWs sa Kuwait.
“Kailangang isama sa imbestigasyon sa kasong ito ang umano’y local licensed agency at ang foreign counterpart nito upang masusing subaybayan ang working at living conditions ni Jeanelyn. Base sa report, inirereklamo na niya sa kanyang local agency ang mga paglabag sa kanyang kontrata isang buwan bago pa man siya maipadala sa Kuwait. Naaksiyunan ba ang mga reklamong ito?” giit ni Villar.
Gayundin, binigyang-diin ng senadora na dapat bawasan ang deployment ng domestic workers sa Middle East hanggang sa magkaroon ng epektibong monitoring system onsite.
Aniya, dahil sa negosyo ito, tatanggap ang recruitment agencies ng job orders para sa domestic workers kahit wala na silang kakayahang i-monitor ito na siyang isang aspeto ng overseas employment na nangangailangan ng seryosong atensiyon.
Dahil dito, nanawagan si Villar na kailangang ng alternatibong pangkabuhayan at trabaho para sa mga manggagawang apektado ng deployment ban sa Kuwait upang hindi na umalis pa ang mga ito sa bansa.
“Samantala, maaari rin tingnan ng DOLE, DTI at DA ang mga alternatibong pangkabuhayan at local employment opportunities para sa mga manggagawang apektado ng deployment ban sa Kuwait para hindi na sila mapilitang umalis ng bansa at magtrabaho sa Middle East bilang domestic workers. Siguro, maaaring masanay sa basic construction work ang kanilang mga asawa o kahit ang mga kababaihan dahil may malaking kakulangan sa skilled workers sa construction field,” anang senadora.
Tinukoy nito, nakapagpatayo ang Villar Social Institute for Poverty Alleviation & Governance (VILLAR SIPAG) ng 25 construction schools sa buong bansa at sinanay ang mga kalalakihan at kababaihan sa constructions skills, masonry para sa mga lalaki at painting para sa mga babae. VICKY CERVALES