(Sa Araw ng Kalayaan) JOBS FAIR DINUMOG

BULACAN- KASABAY ng ika-124 na paggunita ng Araw ng Kasarinlan na may temang “Pagsuong sa Hamon ng panibagong Bukas” dinumog ng job seekers o mga naghahanap ng trabaho sa lalawigang ito ang inihandang jobs fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Dumagsa sa KB Gym sa Capitol Compound sa Malolos City ang nasa higit 3,000 mga Pilipinong walang trabaho.

Alas-8 pa lamang ng umaga ay pila -balde na ang mga naghahanap ng trabaho abroad at maging sa local employments.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III na prayoridad nang ahensiya ang matulungan ang libo-libong Pinoy na walang hanap-buhay sa bansa.

Kaya sa isinagawang malawakang jobs fair kahapon ay malaya ang bawa’t isa na hanapin ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng nasa 600 mga International at local agencies at employers.

Tiniyak ng kalihim na maraming akmang trabaho ang naghihintay sa lahat ng jobseekers.

Kasabay, namahagi rin ng bikes, negocart pang hanap-buhay, Tupad, at iba pang programang pantulong sa mga Bulakenyos.

Nagkaroon din ng libreng gupit, masahe, manicure,at alcohol making.

Nakiisa rin sa event si Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, kung saan nagkaroon ng trade fair sa Capitol Park at ibinida ang ibat-ibang produktong Bulakenyo.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Governor Daniel Fernando sa biyayang hatid ng DOLE, DTI at sa employers na nakiisa sa malaking Jobs at Trade fair sa lalawigan. THONY ARCENAL