(Sa araw ng mga puso) LIBRENG SAKAY ALOK NG TRICYCLE DRIVER

CAVITE-AGAW pansin kahapon ang isang tricycle driver dahil sa nakakatuwa nitong pakulo para sa mga pasahero niya sa Rosario sa nasabing lalawigan.

“Libreng Sakay sa Tricycle ko, Ngayong Araw ng mga Puso”, ang alok sa pasahero kung saan ipinagdiriwang natin ang araw ng mga puso.

“Alam ko kahit sa maliit na pagkakataon na ito na dumaranas tayo ng suliranin sa pandemya ay makatulong ako sa aking mga kababayan higit sa dalawang pusong nagmamahalan, na mailibre sila ng sakay sa aking tricycle lalo na ngayong araw ng mga puso”, kuwento ng 44-anyos na si Vergel Faustino, naninirahan sa Brgy. Bagbag 2., may asawa at dalawang anak.

Si Vergel ay walong taon ng nagta-tricycle at kumikita siya ng P700 bawat araw.

Kilala si Vergel bilang isang mabait at masayahin tao.

Nakatawag-pansin naman ito kay Rosario Public Employment Services Office (PESO) OIC na si Mike Del Rosario kaya inalok niya ang driver ng tulong para sa panggasolina at pagkain nito.

“Dati rin akong tricycle driver, kaya ramdam ko ang ginagawa nya. Nakaka-proud siya at naisip nya ang ganitong libreng-sakay sa dalawang pusong nagmamahalan. Kaya naman, kahit sa konting halaga ay makatulong ako sa kanya”, ayon kay Del Rosario.

“Sana all…Lahat ng tricycle driver ay ganito”, dagdag pa ni Del Rosario. SID SAMANIEGO