(Sa araw ng Niños Inocentes) BATANG NABIKTIMA NG NPA GUNITAIN

IMEE MARCOS

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos na gunitain ang mga kabataan na nasawi sa pakikipagdigma o silang hindi makauwi sa kanilang mga pamilya matapos i-recruit ng New People’s Army (NPA) ngayong Niños Inocentes.

Ang Niños Inocentes ay ang paggunita sa pangyayari noon na nakasaad sa Biblia, kung saan ipinag-utos ni Ha­ring Herodes ang pagpatay sa mga bagong silang na lala­king sanggol sa takot na maagawan siya ng trono, alinsunod sa propesiya.

Ginawa ni Marcos ang pahayag bilang pagsuporta na rin sa mga nagdadalamha­ting mga ina na nagsagawa ng protesta laban sa Communist Party of the Philippines sa pagdiriwang nito ng ika-51 anibersaryo.

“Patay man o buhay ang kanilang mga anak, ang mga magulang ay patuloy na nagdadalamhati sa ginawang pagsasamantla ng mga kaaway ng estado sa kanilang kamusmusan,” pahayag ni Marcos.

Kabilang sa Republic Act 9262 o batas na nagpo-protekta sa mga kababaihan at kabataan laban sa karahasan, ang mga kabataan na 18 pababa o higit pa na hindi kayang alagaan ang kanilang sarili.

“Isang karahasan ang pagkaitan ang mga magulang na mahalin ang kanilang mga anak. Malinaw na paglabag sa batas ang ginagawa ng mga berdugong NPA,” sabi pa ni Marcos.

Kaugnay nito, pina-aamyendahan ni Marcos ang Senate Bill 630 o Anti-Terrorist Act sa pamamagitan ng pagtukoy sa rebelyon at pangingidnap bilang isang uri ng terorismo, na may karampatang mabigat na parusa.

Maliban sa lantarang recruitment sa mga kilalang unibersidad sa bansa, tinukoy rin ni Marcos ang pagre-recruit ng NPA sa hanay ng mga kabataan sa mga paaralan na nagpapanggap na para sa mga katutubo o indigenous peoples o IP o mas kilala sa tawag na Salugpungan Tatanu Igkanugon Community Learning Center Inc.

Sa kanilang pagharap sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities na pinamumunuan ni Marcos, lantarang tinukoy ng mga tribal leaders na sina Datu Awang Apuga, Datu Joel Dahusay at Bae Magdalina Ilagan na sila mismo ay mga dating mag-aaral ng Salugpungan at biktima ng NPA. VICKY CERVALES

Comments are closed.