(Sa araw ng Undas) ROAD CRASH ACCIDENT: 4 PATAY, 5 SUGATAN

LAGUNA-MALAGIM na road crash accident ang naganap sa pagpasok ng buwan ng Nobyembre, araw ng undas sa National Highway bahagi ng Purok 2 Lungsod ng Calamba na ikinasawi ng apat katao kabilang ang mga menor de edad nang salubungin at salpukin umano ang sinasakyang tricycle ng rumaragasang pick-up kahapon ng madaling araw.

Base sa report ni Calamba Chief of police Col. Melanie Martirez, nakatangap sila ng ulat dakong alas-3:30 ng madaling araw, mismong araw ng Undas na may naganap na aksidente sa nasabing lugar kung saan apat ang nasawi at lima ang nasa malubhang kalagayan sanhi ng pinsala sa ibat ibang parte ng katawan.

Ayon sa ulat, ang unang sasakyan na sakay nang Kawasaki barako 175 na minamaneho ni John Rey San Juan habang sakay nito si Myla San Juan Alaro na kapwa sugatan sa insidente.

Sa pangalawang sasakyan naman lulan ng tricycle na Honda TMX 125 na minamaneho ni Gilbert Palupit na dead on spot kabilang ang kasama pa nito na sina Aileen Palupit at Maria Aleisha Palupit na namatay noon din.

Samantalang sugatan at nasa malubhang kalagayan ang mga kasama rin nito na sina Akisha Gullen Palupit, Allyssa Joy Palupit at Ayesha Gullen Palupit.

Ang nasabing sasakyan naman na sumalpok sa mga biktima na kulay asul na Pick up na ford Raptor na may plakang NDJ 1942 na minamaneho ni Alyssa Mae Pacrin Abitria na kasalukuyang nasa kostodiya na ngayon ng himpilan ng pulisya samantalang sugatan din ang sakay nito na si Clay John Nieto Tianzon.

Ayon sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng pulisya ang dalawang motor na sinasakyan ng mga biktima ay tinatahak ang kahabaan ng Brgy. Halang patungong direksyon ng Brgy. Pansol na kung saan biglang nag counterflow umano ang asul na ford Raptor sa kanilang dinaraanan at binangga ang isang motorsiklo at isang tricycle na nagresulta ng pagkasawi ng mga biktima.

Agad namang isinugod sa JP Hospital ang mga nasabing mga biktima kung saan nasawi rin si Akisha Palupit habang ginagamot.

Nahaharap ang driver ng Ford Raptor sa kasong Multiple Homicide and Multiple Serious Physical Injury and Multiple Damage to Property.
BONG RIVERA