NAKAPAGTALA ng 16 na kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw ang Barangay Ayala-Alabang na binubuo ng malaking porsiyento ng Ayala-Alabang Village sa Muntinlupa kung saan naninirahan ang mga opisyal ng gobyerno, mayayaman, mga nangungupahang banyaga gayundin ang mga sikat na artista.
Base sa datos ng Muntinlupa City Health Office (CHO), nitong Hunyo 1 ay wala pang naitatalang COVID cases sa Barangay Ayala-Alabang at nang tumungtong ang Hunyo 2 ay agad na umakyat sa 16 ang kaso ng virus.
Ayon kay Muntinlupa CHO head Dr. Juancho Bunyi, ang mabilis na pag-akyat ng bilang ng aktibong kaso ng virus ay sa kadahilanang nahuhuli ang pagbibigay ng report ng kaso ng COVID sa Department of Health (DOH) na nanggagaling naman sa mga CHO ng bawat lungsod kada isang linggo.
Sinabi ni Bunyi na karamihan sa mga may kaso ng COVID-19 sa Barangay Ayala-Alabang ay mga banyaga na nagpositibo sa RT-PCR test makaraang lumapag ang kanilang eroplanong sinasakyan sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang lungsod ay may kabuuang 40,053 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 39,418 sa bilang na ito ay nakarecover at mga gumaling na habang 615 naman ang mga namatay sa virus. MARIVIC FERNANDEZ