INILUNSAD ang unang Solo Exhibit ni Richard Somes sa Secret Fresh Gallery.
Pinaghalong tuwa at panibagong sigla ang naramdaman ng artist sa kanyang unang solo exhibit na pinamagatang “Into the Mind of Richard Somes,” na nabigyang buhay sa tulong ni Direktor Eric Matti at ng Secret Fresh Gallery sa Ronac Art Center sa Ortigas Avenue.
Unang nakilala si Somes bilang direktor sa pelikula. Si Matti ang nagpalakas ng kanyang loob at nagbigay ng suporta, para pagtuunan niya ng pansin ang pagpipinta, nang magsimula ang pandemya.
Ang pagpipinta ang kinakitaan niya ng pag-asa sa gitna ng depresyong hatid ng pandemya. Pinagtuunan niya ng pansin ang mga kababaihang, karaniwan ay nakamaskara.
Kinakatawan nila ang ating mga babaing malalapit sa ating puso – ang ating ina, kapatid, anak, at kaibigan – pati na sa mga dinaranas na hirap at sakit ng mga kababaihan, ano mang antas ng sosyedad sila nabibilang.
Bumitiw siya sa karaniwang pagsasalarawan ng mga kababaihang mahina at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. Sa kanyang paningin, ang babae ay may sariling lakas na hindi kayang Tawaran. RIZA ZUNIGA