INILAGAY kahapon ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction Management Council ang lahat ng kinauukulang na ahensiya ng gobyerno na nasa kanilang pangangasiwa sa panahon ng kalamidad sa red alert status bunsod ng posibleng epekto ng magaganap na pananalasa ng Bagyong Odette.
Ayon kay Ricardo Jalad, NDRRMC Executive Director at OCD Administrator, kanilang inalerto ang mga ahensiyang gaya ng PAG-ASA DSWD, AFP, PNP at Phil Coast Guard para magsagawa ng mga paghahanda para sa paparating na bagyo.
Ito ay makaraang itaas kahapon ng PAGASA sa tropical cyclone wind signal number two ang eastern portion ng Surigao del Norte at Surigao del Sur dahil sa typhoon Odette.
Habang signal number one naman sa Sorsogon, Masbate, kasama na ang Ticao Island, southern portion ng Romblon, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Leyte, Biliran, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Negros Oriental, Negros Occidental, Siquijor, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, Agusan del Sur, Agusan del Norte, nalalabing bahagi ng Surigao del Norte, Dinagat Islands, northern portion ng Bukidnon, Misamis Oriental, Camiguin, northern portion ng Misamis Occidental at northern portion ng Zamboanga del Norte.
Sa ibinahaging ulat ni Director Jalad, nagpatupad na ng paglilikas at sinuspinde ang biyahe sa ilang lugar sa bansa kahapon sa harap ng banta ng Bagyong Odette.
Sa Bicol region, wala munang biyahe mula Sorsogon papuntang Northern Samar dahil sa inaasahang pagtama ng bagyo.
Ayon kay Office of Civil Defense-Bicol Public Information Officer Gremil Alexis Naz na aabot sa daan-daang biyahero pati rolling cargoes at 5 sea vessel ang stranded nangayon .
Sa tala naman ng PCG, umaabot sa kabuuang 878 na mga pasahero, driver at cargo helper ang stranded sa Matnog Port.
Kaugnay nito, nagtalaga ng mga tauhan ang PCG bilang paghahanda sa posibleng evacuation, rescue operation at relief mission sa mga lugar na direktang tatamaan ng bagyo.
Sa Surigao City, Surigao del Norte, kung saan nakakaranas na ng masamang panahon, halos mapuno na ng evacuees ang mga eskuwelahan.
Habang nagpapatuloy pa ring pag-iikot ng mga barangay official para abisuhan ang mga residente na maghanda sa paglikas.
Pagsapit ng gabi ng Miyerkoles, magiging forced o puwersahan na ang paglilikas.
Ayon sa provincial disaster office ng Surigao del Norte, nagsasagawa na rin ng evacuation sa iba-ibang lugar gaya ng Malimono, Bacuag, at Siargao Island.
Ilang residente rin ang nag-evacuate sa Caraga region, na naka-red alert ngayon dahil sa bagyo.
Nasuri na noong weekend ang mga evacuation site sa rehiyon at activated na rin ang emergency operations centers, ayon sa Office of Civil Defense-Caraga.
Anila,sapat pa ang mga evacuation center at pinatitiyak sa mga awtoridad na nasusunod ang mga health protocol kontra COVID-19.
Handa na rin umano ang relief packs at rescue teams ng mga local government unit.
Nagkaroon na rin ng pre-emptive evacuation ang Eastern Samar disaster office, kung saan inilikas ang mga residente sa mga flash flood-prone at landslide-prone area, at coastal barangay.
Naghahanda na rin ang opisina sa paglikas ng mga residente na nasa hazard-prone areas.
Kinumpirma ni Jalad na may sapat na nakahanda umanong food packs ang DSWD para sa mga apektadong residente.
Lumikas na rin ang mga residente sa gilid ng dagat sa Roxas City, Capiz.
Nasa 39 na pamilya sa 4 na coastal barangay sa lungsod ang pumunta sa mga evacuation center.
Sa Tacloban City, inilipat na ng mga mangingisda ng Barangay San Jose sa mas ligtas na lugar ang kanilang mga sasakyang pandagat.
Nabatid na isa nang typhoon ang Bagyong Odette alinsunod ipinalabas na bulletin ng PAGASA kahapon ng tanghali.
Huli umanong namataan ang bagyo sa layong 590 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
VERLIN RUIZ