(Sa batang may comorbidities) WALK-IN BAWAL SA VACCINATION SITES

HINDI papayagan ng lokal na pamahalaan ng Pasay na maturukan ng COVID-19 vaccines ang mga batang edad 5 hanggang 11 na may comorbidities na magwalk-in sa vaccination sites na nakatakdang simulan ngayong araw, Pebrero 7.

Sa halip, ayon sa pamahalaang lungsod ay magtungo ang batang may comorbidities sa Pasay City General Hospital (PCGH) upang doon mabakuhanan.

Pinaalalahanan din ang mga magulang na nakapagpa-iskedyul ng bakuna sa Pebrero 7 na huwag kalimutang dalhin ang birth certificate ng kanilang mga anak, kanilang valid government ID gayundin ang medical certificate na nagpapatunay na may comorbidity ang bata.

Gayundin, ang isusumiteng medical certificate ay kailangang pirmado ng isang doctor na pumapayag na mapagkalooban ng COVID-19 vaccine ang batang may comorbidity.

Maaaring iparehistro ng magulang ang kanilang mga anak para sa nakatakdang baksinasyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa text sa numerong 0956-2834495 at ilagay lamang ang pangalan, edad, tirahan at ang sakit ng batang may comorbidity.

Sa mga normal at wala namang comorbidities na mga bata ay inabisuhan ang mga magulang nito na magparehistro sa pamamagitan ng DepEd registration kung ang bata ay nag-aaral sa pampublikong paaralan para mabigyan ng iskedyul ng baksinasyon.

Para naman sa mga batang nag-aaral mula sa mga pampribadong paaralan, mga residente ng lungsod na nag-aaral sa labas ng Pasay pati na rin ang mga out-of-school youths ay kinakailangang magparehistro sa barangay na nakasasakop sa kani-kanilang lugar na tinitirahan. MARIVIC FERNANDEZ