NAIS malaman ng Kongreso kung saan napunta ang milyon-milyong pisong reward money para sa ikadarakip ng mga suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Unang inamin ng mga witness sa pagpatay na walong milyong piso lamang ang napunta sa kanila imbes na P33 milyon.
Matatandaang nag-ambagan ang mga kongresista ng P13 milyon habang P2 milyon naman ang galing sa Albay Provincial government at P20 milyon naman na reward money ang galing kay Pangulong Duterte para sa mabilis na ikadarakip ng mga suspek.
Ayon sa sources ng PILIPINO Mirror, idinulog na ang isyung ito sa Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) kaya nagkakandarapa ang PNP kung papaano ipaliliwanag bakit nawawala ang P25 milyon.
Dagdag pa ng source, kaya bumabaligtad ang ilang testigo sa krimen ay dahil wala kahit piso silang natatanggap.
“Buti nalang ‘yung P15 milyon ng AKo Bikol hindi pa naibigay dahil malamang ninakaw na rin ito,” pahayag ng source.
Kaya umano nahihirapan ang prosecution dahil hindi ibinibigay ng pulisya ang mga ebidensiyang kailangan laban kay dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na maaalalang nakapagpiyansa kamakailan para sa pansamantala nitong kalayaan.
Inamin naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na wala silang ideya o nalalaman kung kanino ibinigay ang P35 milyong bounty para sa mga suspek sa pagpatay sa kongresista noong Disyembre 22, 2018.
Ayon kay Garbin, hihintayin na lang muna nila ang accounting ng PNP sa pinuntahan ng reward money sa Batocabe murder case upang matiyak na nararapat ang mga nakatanggap ng pabuya. CONDE BATAC