(Sa bentahan ng loose firearms) INTEL NG PNP PINAKILOS

PAKIKILUSIN ng Philippine National Police ang kanilang Intelligence networks para matiktikan ang mga personalidad na nakabili ng mga loose firearms na ibinebenta sa sinalakay na gun store sa Marikina City kamakailan na sinasabing kinabibilangan ng ilang pulitiko at mga uniformed personnel ng PNP at AFP.

Tiniyak ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., na hahabulin nila ang mga indibidwal na nakabili ng mga undocumented firearms na ibinebenta ng iligal ng isang suspek na nadakip sa nasabing raid ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Aminado si Acorda na mahihirapan ang pulisya na i-trace ang mga customer ng suspek dahil wala itong records sa PNP Firearms and Explosives Office.

Pero ang tiyak, tutugisin pa rin nila ang mga ito isa-isa sa oras na makakuha sila ng lead kaya pati ang kanilang mga intelligence units ay pinakikilos na rin bilang bahagi ng kanilang kampanya kontra loose firearms.

Ilang sa mga hinihinalang naging parokyano ng nadakip na suspek ay mga pulitiko na posibleng nagmamantini ng private armed groups, mga gun enthusiast , maging ilang VIPs o mga artista.

Ang pinangangambahan ng mga awtoridad ay sadyang delikado ang undocumented guns dahil maaari itong magamit sa krimen at iba pang ilegal na aktibidad.

Kasalukuyang inaalam kung saan nagmula ang mga nasamsam na armas at paano ito naka pasok sa bansa.

Nitong Biyernes, matatandaang nakumpiska ng PNP CIDG ang nasa 53 mga baril matapos magkasa ng raid sa isang tindahan ng mga baril sa Marikina.
VERLIN RUIZ