(Sa binagong Public Service Act) PAGMAMAY-ARI AT PAMAMAHALA NG DAYUHAN SA AIRPORTS, BANTA SA NATIONAL SECURITY-ATTY. GADON

MARIING  tinuligsa ng law expert at kontrobersiyal na si Atty. Larry Gadon kasama si United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) President Rodolfo Javellana, Jr. ang natuklasang inamyendahang Public Service Act ng Kongreso nitong nakalipas na Hulyo 26, 2021 at pinagtibay ng nagdaang Duterte administration.

Sa ginanap na media forum sa Quezon City, sinabi ni Atty. Gadon na unconstitutional ang ginawa ng ilang kongresista na baguhin ang kahulugan ng public utility dahilan na hindi tama at dehado ang taumbayan sa naturang hakbangin.

Iginiit ni Gadon na tanging ang Supreme Court lamang ang maaring mag- interpret ng katagang ‘public utility’ sapagkat ito ay nakasaad sa Konstitusyon at ito ay hindi maaring baguhin ng Kongreso sa pamamagitan lamang ng pagpasa ng isang batas.

Nagsampa na rin kamakailan ng petisyon si Javellana sa Korte Suprema para hamunin ang legalidad at Constitutionality ng Republic Act 11659 kaugnay sa ginawang tila pag “shortcut” ng ilang mambabatas sa naturang usapin nang hindi isinasapubliko.

“This legislative amendment to the Public Service Act unconstitutionally overturns almost a hundred years of consistent jurisprudence by redefining a public utility as used in the Constitution so that it refers only to electricity distribution and transmission, petroleum and petroleum products pipeline transmission systems, water and wastewater pipeline distribution and sewerage systems, seaports and public utility vehicles,” saad ni Javellana.

Idinagdag pa ni Atty. Gadon na sa ginawang pag-amyenda, binago na rin nito ang tunay na kahulugan ng public utility kung kayat nakikitang mistulang niluto ang naturang batas.

Bunsod nito, pangamba ni Gadon at Javellana na magkaroon ng matinding smuggling, pagpsok ng ilegal na droga, mga armas na ipanlalaban sa ating gobyerno dulot ng pagpayag na mahawakan ng mga dayuhan ang ating mga paliparan dahil sa naturang hakbang.

Naniniwala rin si Atty. Gadon na may malaking epekto rin ito sa pambansang seguridad ng ating bansa kung kayat nararapat lamang na aksyunan ito agad ng Kataas-taasang hukuman sa lalong madaling panahon.

Kaduda-duda pa ani Atty. Gadon na ginawa ang pag-amyenda sa panahon ng pandemya kung saan abala ang karamihan sa krisis pangkalusugan.