(Sa bisperas ng Pasko) DRINKING SPREE NAUWI SA RAMBULAN; 2 PATAY, 4 SUGATAN

QUIRINO – PATAY ang  dalawa katao habang sugatan naman ang apat na kasamahan ng mga ito matapos na pagbabarilin ng nakaalitang grupo habang nag-iinuman nitong Martes, bisperas ng Pasko sa Maddela sa lalawigang ito.

Batay sa ulat na nakarating sa PILIPINO Mirror mula sa Quirino PNP, nakilala ang mga nasawi na sina alyas Anita, 26-anyos at isang alyas Kris, 19-anyos .

Isinugod naman sa pagamutan ang apat na kasamahan ng mga ito na  nakilala lamang sa mga alyas na Mona, Ed, Rod, at Bong na pawang residente rin ng natu­rang bayan.

Arestado naman sa follow-up operation ng mga awtoridad ang si­yam na suspek.

Batay sa ulat ng Quirino PNP, naganap ang insidente sa loob ng Casa De Kelly sa Barangay Villa Norte.

Nagkakasiyahan ang mga biktima sa naturang lugar nang dumating ang mga suspek at sa hindi malamang dahilan ay nagtalo ang mga ito na nauwi sa pamamaril at pagkasawi ng dalawang biktima.

EUNICE CELARIO