MABIBITIN ang konstruksiyon ng mga rural health unit at district hospital na nasa ilalim ng programa ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon kapag hindi ibinalik ang P16.8 bilyon na bahagi ng tinapyas ng Malacañang sa budget na hinihingi ng nasabing ahensya.
Ayon kay Senador Franklin Drilon, bahagi umano ito ng P28 bilyon na kabuuang kinaltas sa badyet ng ahensiya na ang malaking bahagi ay para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Dagdag pa ng senador, kabilang umano rito ang 900 health facility na 100% natapos at mapupunuan na ng mga doktor at health personnel, pero hindi pa mabigyan ng akreditasyon sa PhilHealth dahil kapos pa sa gamit.
Sinabi pa ni Drilon, mayroon ding 328 health centers at district hospitals na nasa 80% hanggang 90% kumpleto, pero nanganganib na hindi matapos dahil sa tapyas sa badyet ng DOH.
Giit pa ng senador, wala umanong mukhang maihaharap ang mga mambabatas sa taumbayan kapag ipinagkait ang nasabi niyang pondo. VICKY CERVALES
Comments are closed.