PINAGHAHANDAAN na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang malalaking rally na idaraos sa Pebrero 25 na ika-38 anibersaryo ng Edsa People Power.
Sa Metro Manila, nasa 6,000 pulis ang ipakakalat ng PNP para matiyak ang payapang aktibidad at masiguro ang seguridad ng mga dadalo.
Kasabay nito, magkakaroon din ng prayer rally sa Cebu City na inaasahang pangungunahan ni dating Pangulong Rodrigo duterte.
Ayon kay PNP Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., nasa 2,500 pulis ang pinag-aaralan nilang ideploy sa nasabing aktibidad
“These numbers will adjust depending on how the intelligence reports will
come in but ‘yun nga, nakikiusap ako that in all these rallies maging
mahinahon lang tayo. We will be exercising maximum tolerance pero
sana wala naman manggugulo,” ayon kay Acorda
Nilinaw naman ng PNP na wala silang natatanggap ng direktang banta kaugnay sa dalawang malaking rally subalit nakahanda naman umano sila sa anumang posibleng scenario.
“So far, wala naman tayong nakikitang medyo kumbaga nakakabahala except for this crowd na ini-expect natin but nevertheless, our PNP ‘yung mga men on the ground, we are closely monitoring all the intelligence reports na natatanggap natin and we will be deploying accordingly,” ayon kay Acorda.
Magugunitang nito lamang Enero 28 ay nagsagawa ng prayer rally sa Davao City na pinangunahan ni FPRRD. EUNICE CELARIO