NAGPALIWANAGAN ang Office of Civil Defense (OCD) at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa toxic chemical na naisaboy sa nasawing si Capt. Casey Gutierrez habang nasa decontamination process sa binabantayang Phil-Sports Arena -Temporary Treatment Monitoring Facility (PSA-TTMF) sa Pasig City.
Nitong Lunes sa presscon ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, sinabi nito na ang OCD ang posibleng nakakaalam ng nasabing chemical na agad naman itinanggi ni National Disaster Risk Reduction Management (NDRRMC) Spokesman Mark Timbal.
Ayon kay Timbal, hindi sila ang in-charge sa pagbibigay at pagbili ng mga decontamination chemicals sa PSA-TTMF.
Magugunitang nahirapang huminga ang police doctor na si Gutierrez makaraang malanghap ang disinfectant na ini-spray sa kanya bilang bahagi ng decontamination protocol.
Aniya, handa silang magpaimbestiga para maliwanagan ang pagkamatay ng nasabing doktor.
Gayundin, nilinaw ni Timbal na kahit ang OCD ang service provider ng nasabing mega quarantine facility gaya ng food catering, lodging for servicing personnel, provision of PPE, hygiene kits, medical equipment and supplies, janitorial services at waste collection and disposal ay hindi naman sila kabilang sa actual management and operation ng quarantine facility na pinapangasiwaan ng PNP.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Gamboa na hindi nila sinisisi ang OCD.
“The PNP chief wishes to clarify that the OCD is neither blamed or pointed out as the source of concentrated disinfectant solution used by medical and health care personnel of PSA-TTMF, “ayon sa PNP.
Dahil dito, nanawagan ang Department of Health (DOH) na iwasan na ang misting bilang paraan ng disinfection laban sa COVID-19.
Sinabi ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, batay sa pag-aaral ay walang sapat na ebidensiya na nakatutulong ang misting para mapuksa ang pagkalat ng virus. VERLIN RUIZ
Comments are closed.