IPINAGBAWAL na ng pamunuan ng Philippine National Police ang maginuman sa loob ng mga police station o kampo ng pulis sa mga idaraos na Christmas party.
Babala ito ni PNP chief Director General Oscar Albayalde sa harap ng inaasahang kaliwa’t kanang Christmas party sa pagpasok ng buwan ng Disyembre.
Sinabi ni Albayalde na walang problema kung magpa-party sa loob ng mga police station pero dapat ay walang magaganap na inuman dahil hindi ito magandang tingnan o nakasisira ng imahe ng kapulisan.
Kasabay nito ay mahigpit din ang paalala ni Albayalde sa kanyang mga tauhan na bawal mag-solicit para lamang sa magarbong Christmas party.
Isang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang pagso-solicit ng pondo o anumang bagay. VERLIN RUIZ