(Sa Coastal Clean-up Day) MASSIVE INSPECTION SA MANILA BAY

Manila Bay

ISANG massive inspection ang isinagawa nina Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu at Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Bay beach matapos na isisi sa nasabing ahensiya ang naganap na fishkill sa lawa ng Maynila.

Ang nasabing pagsusuri ay ginawa kasabay ng pagdaraos ng ika-35 International Coastal Clean-up Day kahapon kasama  nina Cimatu at Moreno sina Agriculture Secretary William Dar, Labor Secretary Silvestre Bello, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, MMDA Chairman Danny Lim at iba pang opisyal ng gobyerno.

Tone-toneladang basura ang nahakot ng ilang ahensya ng gobyerno at mga pribadong organisas­yon na nakiisa sa  clean-up drive sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Sa nasabing pagdiriwang, dalawang araw na bukas sa publiko ang Manila Baywalk na tinambakan ng artificial white sand, kung saan nilagyan ng dinurog na dolomite rock ang dalampasigan Manila bay para magmukhang white sand beach ang lugar.

Bibigyan ng pagkakataon ang publiko na  maglakad-lakad at magpakuha ng larawan sa artificial whitesand beach basta’t  sundin pa rin ang pinaiiral na health protocol laban sa pagkalat ng COVID-19.

Kaugnay nito, patuloy na sinisiyasat ng DENR at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at DENR ang umano’y naganap na fishkill sa Manila Bay na sinasabing sanhi ng kakulangan ng oxygen sa tubig ang naging dahilan na taliwas sa akusasyong bunsod ng dolomites sand ang  pagkamatay ng mga isda.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, hindi rin nila inaalis ang angulong pananabotahe ang dahilan sa likod ng naganap na fishkill. VERLIN RUIZ

Comments are closed.