(Sa Commonwealth misencounter) KASO VS 4 PULIS, 3 PDEA AGENTS TANGGAP NG PNP

TINANGGAP ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng Department of Justice ng kaso laban sa apat na pulis at tatlong tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng tinaguriang “Commonwealth misencounter”.

Sa isang statement, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PBgen. Roderick Augustus Alba, ang hakbang ay magbibigay ng pagkakataon sa mga nasasakdal na ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.

Aniya, ipauubaya ng PNP ang kapalaran ng mga akusado sa korte, bilang bahagi ng due process.

Matatandaan na nagsasagawa ng magkahiwalay na operasyon ang mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) at PDEA sa isang mall sa Commonwealth Avenue, nang mangyari ang mis-encounter noong Pebrero ng nakaraang taon, na nagresulta sa pagkamatay ng apat na tao.

Ang mga ahente ng PDEA na sina Khee Maricar Rodas, Jeffrey Baguidudol atJelou Santiniaman ay kakasuhan ng homicide sa pagkamatay ni Cpl Eric Garado.

Habang ang mga pulis ng QCPD na sina Cpl Paul Christian Gandeza, Lt Honey Besas, Maj Sandie Caparroso at SMSG Melvin Merida ay kakasuhan ng direct assault dahil sa pananakit umano sa PDEA agents. EUNICE CELARIO