NANINDIGAN si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na tama ang tinatahak ng pagsusumite ng courtesy resignation mula full colonel hanggang general sa organisasyon upang mapatunayang malinis at hindi sangkot sa droga.
Ang pananaw ng PNP chief ay bilang tugon sa mga nasa third level police officers na tutol sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos at ikinatwirang inosente sila sa kalakaran ng droga at pagbibigay-proteksyon sa ninja cops.
Hinamon din ni Azurin ang mga innocent third level police officer na dapat ipakilala o ipalaalam nila sa pamamagitan ng courtesy resignation na pamamaraan para ma-assess at ma-evaluate sila.
Binigyang diin ng PNP chief na mahalaga na masala ang nasa third level PNP rank dahil sila ang susunod na pinuno sa organisasyon.
“So, ang ano diyan inosente pala sila bakit ayaw nila
magpakilala, dapat lumabas sila because they are innocent because nandirito tayo ngayon sa cleansing process na kung saan inuna nga natin ang mga third level officers natin na isumite nila voluntarily ‘yung kanilang sarili dahil sabi nga kahapon these are the future leaders, these are the future officers that will be leading the PNP organization,” ayon kay Azurin.
Aniya, makabubuti na ngayon pa lamang ay malinis na sa droga at katiwalian ang lahat ng third level PNP officers para kung sila na ang nasa top brass ay mas maganda ang imahe.
“So gusto ba nila na pagdating ng panahon nila ay ganito
pa rin ang problema na daratnan nila. Hindi ba maganda na ngayong palang tabasin na natin, tingnan na natin who among our third level officers ang may tsansang umangat na pagdating sa involvement sa illegal na drugs ay very clean, spotless siya para nang sa ganun magkaroon siya ng moral ascendancy na pamunuan ang buong pambansang pulisya,” dagdag pa ni Azurin. EUNICE CELARIO