HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang isang patas at komprehensibong pamamaraan nang walang kompromiso kasunod ng pagbuo ng limang tao na “advisory committee” na pinagkatiwalaan sa pagrepaso sa courtesy registrations na inihain ng halos lahat ng senior Philippine National Police personnel bilang bahagi ng internal na paglilinis sa institusyon.
“Ako po ay nakikiusap, I hope and trust that they will be fair, thorough, and without compromise,” pahayag ni Go sa ambush interview makaraang personal na asistehan ang mga residente ng Orion, Bataan nitong Pebrero 2.
“Ibig sabihin, kung walang kasalanan, nagtatrabaho naman po, suportahan natin at tulungan natin ang ating kapulisan at ihiwalay ang talagang may kasalanan at involved po sa katiwalian,” dagdag ni Go.
Una rito, hinimok ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang mga matataas na opisyal ng PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation para alisin sa institusyon ang mga sangkot sa illegal drug trade.
Ang lima kataong komite, na isasaalang-alang ang mga pagbibitiw, ay pinamumunuan ng kasalukuyang hepe ng PNP at binubuo ng mga indibidwal na nagtrabaho sa sektor ng depensa o sa puwersa ng pulisya sa nakaraan. Ang lahat ng courtesy resignations ay susuriin bago sila magpasya kung alin ang tatanggapin.
Mga miyembro ang kasalukuyang Office of the Presidential Adviser on Military Affairs Undersecretary for Police Affairs Isagani Nerez, dating defense chief Gilbert Teodoro, former PNP second in command at Baguio Mayor Benjamin Magalong, at PNP chief General Rodolfo Azurin.
Inaasahang matatapos ang mga ito sa loob ng tatlong buwan.
“Let me repeat, sa mga nasabi ko na po noong nakaraan. Ako po ay naniniwala sa ating kapulisan, malaki po ang tiwala ko sa ating Philippine National Police. Kaunti lang po ang mga scalawags diyan, dapat po itong mga scalawags ‘yun po ang ihiwalay nang hindi makahawa,” saad pa ni Go.
“Noon pa man, noong panahon ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte, full support kami sa kapulisan at militar.
Kaya nga po dinoble ang sahod nila noong 2018 para mas magsipag ang ating kapulisan,” anito.
Ayon kay Go, ang mismong mamamayang Pilipino ay may mataas na antas ng kumpiyansa at respeto sa kapulisan ngayon, at binigyang-diin niya ang malaking papel na ginagampanan ng pulisya sa paglaban sa ilrgal na droga.
“Kita n’yo ang mga pulis ngayon, nalalapitan, iginagalang, at hindi po magiging successful ang kampanya na labanan po ang ilegal na droga at kriminalidad kung hindi po sa tulong ng ating mga pulis. Kaya dinoble ni (dating) pangulong Duterte ang sahod nila.”
“Alam n’yo kapag bumalik ang ilegal na droga, babalik ang korupsyon sa gobyerno, babalik po ang kriminalidad.
‘Yun po ang nakakatakot dito. Kaya po suportahan natin ang ating mga pulis,” dagdag pa ni Go.