INAASAHANG bababa ang produksiyon ng asukal ng 10 hanggang 15% para sa crop year 2023-2024, depende sa epekto ng El Niño phenomenon, ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sa ulat ng CNN Philippines, sinabing base sa Sugar Order No. 1 Series of 2023-2024 na inilabas ng SRA board noong Lunes, ang total raw sugar production para sa crop year 2023-2024 ay tinatayang nasa 1.85 million metric tons (MT).
Ayon sa SRA, ang total domestic raw sugar withdrawal para sa crop year 2023-2024 ay nasa 2.20 million MT.
Nakasaad sa kautusan na 100% ng inaasahang sugar production ay ike- quedan ng mill companies bilang “B” o domestic market sugar.
“Sugar mill companies shall issue weekly sugar quedan-permits or molasses storage certificates in the name of the individual planter or mill companies for their corresponding shares of sugar and molasses production for the crop year 2023-2024,” nakasaad sa kautusan.
Ang unused sugar quedan-permit forms ng naunang crop year ay pupunitin at hindi papayagang gamitin.
Magsasagawa rin ang SRA ng periodic assessment at withdrawals trend ng sugar production para sa 2023-2024 crop year upang malaman kung kinakailangang i-adjust ang percentage allocation o distribution ng iba pang klase ng asukal.
Ang kautusan ay nilagdaan nina Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, SRA Administrator and CEO Pablo Luis Azcona, at SRA Board Members Ma. Mitzi Mangwag at David Andrew Sanson.