SA DAMI NAMAN NG MAMAMANA

Sa dami naman ng mamamana
Mula sa Merkano at Merkana,
Bakit ito pang bolang di bolang
Pinaghahandaan nga ng iba?

Walang iba kundi Graduation Ball,
Ito ang mahalagang okasyong
Pinakatradisyon ng transisyon
Pagkatapos ng eksaminasyon.

Kaya nga, para sa mag-aaral,
Dapat natin itong ipagdiwang
Na parang selebrasyon ng buhay.
Ganun din ba sa tatay at nanay?

Kasi, mga kumpare’t kumare,
Di raw tayo naging estudyante
Di raw tayo nakakaintindi
Kung paano maging importante.

Branded at brand-new daw lamang dapat
Kahit na mangutang o mambarat
O magsangla ng iyong alahas.
Sadyang bawal magmukhang mahirap.

Anumang gawin sa iyong buhok
Magpa-unat man o magpa-kulot.
Basta babagay sa iyong suot
Na Dior na damit at sapatos!

Isang gabi lamang naman ito.
Tataya nang todo sa casino
Kahit makasuhan ng bangko
Isang gabi lamang naman ito.

Ngayong panahon na ng homecoming,
Hindi ba ang mga may narating
Ang kinikilala pa rin natin
At hindi ang dating Prom King at Queen?