IBINIDA ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) na bumaba ng halos 43 percent ang mga kaso ng cybercrime sa huling limang buwan ng 2023.
Batay sa datos ng PNP unit nasa 6,385 cases ang iniulat sa kanilang tanggapan mula Agosto hanggang Disyembre 2023.
Ayon kay PNP-ACG Director Major General Sydney Sultan Hernia, ang bilang ay mula sa 14,893 cybercrime cases na naitala mula Enero hanggang Hulyo 2023.
Ani Hernia, resulta ito ng pag-deactivate ng mga hindi rehistradong SIM card na sinimulan noong Hulyo 26, 2023 alinsunod sa implementasyon ng RA 11934 o SIM card Registration Act.
Binigyang diin ni Hernia na mahalagang magkaroon ng comprehensive strategy na pagsamahin ang teknolohiya, mga legal na panuntunan, edukasyon at kolaborasyon ng mga kinauukulang ahensya upang malabanan ang banta ng cybercrime.
EUNICE CELARIO