(Sa direktiba ni PBBM) LABAN VS COVID-19 PAIIGTINGIN NG NTF COVID-19

PINULONG ni Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND) ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na nasa ilalim ng National Task Force Against COVID-19 (NTF-CO­VID19) kaugnay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na paigting ang laban kontra COVID-19.

Pinangunahan ni Faustino ang kanyang unang Organizational Briefing ng NTF-CO­VID19 sa Office of Civil Defense (OCD) Building sa Camp Aguinaldo, Que­zon City.

Dito ibinahagi ni Faustino sa mga kasapi ng Task Force ang direktiba mula sa kay PBBM na paigtingin ang distribution at administration ng bakuna at boosters sa buong bansa.

Ito ay bunsod ng posibilidad na muling magkaroon ng surge ng nasabing nakamamatay na sakit kasabay ng napipintong pagbabalik ng face to face classes nationwide.

Si Faustino na tumatayo ring chairperson ng NTF COVID-19 ay nakipagpulong sa mga officials at kinatawan ng iba’t ibang government agencies para talakayin ang mga bagay hinggil sa nakikitang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.

“We cannot tell the virus to stop, so we should also not stop in anticipa­ting what we can do to mitigate an increase in COVID-19 infections,” ani Faustino.

Sa nasabing pulong ay naglatag ang Department of Health (DOH) ng kanilang data hinggil sa kasalukuyang paglaki ng bilang ng COVID cases, ang ginagawang paghahanda para utilization ng healthcare facilities at Intensive Care Units (ICUs) sa buong bansa.

Nabatid na kasaluku­yang naglalatag ng kanilang surge plan ang DOH na kanilang ipamamahagi sa lahat ng hospitals para maihanda sila sa posib­leng panibagong spike ng COVID. VERLIN RUIZ