(Sa Divorce bill) CBCP, COMELEC OFFICIAL MAGKATALIWAS ANG PANANAW

MAGKATALIWAS ang paniniwala ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa usapin nang isinusulong na Divorce bill, na kasaluku­yang dinidinig sa Senado.

Nanindigan si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs na hindi maaring paghiwalayin ng sinuman ang pinag-isa ng Panginoon, habang para naman kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, dapat lamang na maaprubahan ang divorce bill upang mabigyan ang mga taong nangangailangan nito, na makahanap ng disenteng pagmamahal.

“So, the concept of divorce is to invalidate an otherwise a valid marriage,” ayon kay Secillano, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

Nilinaw rin niya ang maling paniniwala na hindi pinahihintulutan ng simbahan ang paghihiwalay ng mag-asawa kung ang babae ay nakakaranas ng karahasan mula sa kaniyang esposo.

Giit ng pari, mayroong mga legal na paraan na sang-ayon din sa katuruan ng simbahan para pa­ngalagaan ang karapatan at kaligtasan ng mag-asawa tulad ng legal separation at annulment.

“Sa aking pananaw, marami nang legal na pro­seso na puwede na i-avail ng mga couple. Pero bakit hindi nila nirereporma ang legal processes na ito para umakma sa pangangailangan ng tao,” aniya.

“Palagay ko wala tayong ditong essential differences, ito ang tinatawag nating incidental doon sa problema, doon sa concern. At ‘yang incidentals na ‘yan palagay ko puwedeng gawan ng paraan pero kung ipapasok ang divorce, dito natin makikita ang malaking pagkakaiba, which is not guaranteed by our laws ng simbahan at ng estado,” aniya pa.

“Kung ang simbahan nga may ginawang reporma para maging less tedious ‘yung proseso, why can’t you? Kasi ang tingin nila sa simbahan hindi ito puwedeng magbago, napakaistrikto, talagang tradisyunal pero ginawan ‘yan ng paraan ni Pope Francis,” dagdag pa ni Secillano.

Paglilinaw pa ng pari, ang repormang ito ng Santo Papa ay hindi bilang pagsuporta sa mga nais na maghiwalay kundi bigyang pagkakataon ng mga mag-asawa na sumailalim sa proseso at bigyang pagkilala ang kanilang mga karapatan.

Disyembre taong 2015 ng inilabas ni Pope Francis Mitis Iudex Dominus Iesus kung saan pinasimple ang proseso ng annulment ng simbahan.

Samantala, ayon naman kay Guanzon, bagamat hindi niya kakailanganin ang diborsiyo, dapat lamang aniya itong maipasa.

“I am pro divorce , although I will never need it.  Give people another chance at decent love,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ