(Sa DOLE special job fair) 33 POGO WORKERS HIRED ON THE SPOT

MAY kabuuang 33 manggagawa na apektado ng ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang nakahanap ng bagong trabaho sa one-day special job fair na isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Parañaque at Makati noong Huwebes.

Sa preliminary data na inilabas ng DOLE noong Biyernes, lumitaw na ang nasabing mga aplikante ay hired on the spot (HOTS) ng participating employers.

May kabuuang 340 POGO workers ang nagparehistro upang lumahok sa special job fairs.

Kasabay nito, may 186 iba pang jobseekers ang natanggap sa magkasabay na job fairs.

Ayon sa DOLE, may 1,062 registered jobseekers ang dumagsa sa dalawang job fair sites.

Ang HOTS ay ang mga trabaho bilang barista, sales consultant, cashier, data encoder, sales associate, housekeeping, service crew, kitchen staff, at driver.

Iniulat din ng DOLE ang 145 bagong hires, o yaong kinokonsiderang hired ngunit maaaring kailangang magsumite ng karagdagang requirements o documents, o kailangang sumailalim sa mga karagdagang pagsusulit o interviews.

May kabuuang 108 employers na nag-alok ng 13,744 employment opportunities ang lumahok sa job fairs.

Inorganisa ng DOLE ang event para sa would-be displaced POGO workers makaraang ianunsiyo ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang total ban sa POGOs sa bansa. ULAT MULA SA PNA