(Sa edad 17 pababa) CURFEW MAHIGPIT NA IPATUTUPAD

MAHIGPIT na ipatutupad NG pamahalaang lokal ng Pasay ang curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga para sa may edad 17 pababa bunsod ng mabilis na panghahawa at pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Inatasan ang Pasay City police gayundin ang mga opisyal ng barangay na magsagawa ng malimit na pagpapatrulya upang masiguro na walang mga menor de edad na nagkalat sa kalsada habang ipinatutupad ang curfew hours sa lungsod.

Nakiusap ang pamahalaang lungsod sa bawat residente na limitahan ang kilos sa labas ng kanilang bahay habang hinikayat naman ang mga negosyo sa lungsod na i-adopt ang work-from-home arrangements.

Kasabay nito, ipinaalala rin sa mga residente na kahit anong edad na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin bakunado na manatili na lamang sa bahay maliban na lamang kung may bibilhin ng pangangailangan sa bahay.

Ang mga bakunadong indibidwal lamang ang papayagang lumabas ng bahay para makakain sa labas, mag-shopping o dili-kaya ay manood ng sine kung maipapakita nila ang kanilang vaccine cards at valid IDs bago pumasok sa mga nabanggit na establisimiyento.

Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayuhan na sundin ang kautusan na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan lalo pa ngayong panahon na mabilis ang transmisyon o panghahawa ng COVID-19 sa mga tao. MARIVIC FERNANDEZ