(Sa electoral protest ni Marcos) RESULTA NG INITIAL RECOUNT SA ILANG PROBINSIYA ILALABAS

Bongbong Marcos

IKINATUWA  ni dating Senador Bongbong Marcos ang naging pasya ng Mataas na Hukuman, na siya ring tumatayo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), na tuluyan nang ilabas ang resulta ng initial recount sa mga pilot provinces sa inihain niyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Matatandaang pinagkokomento sina Marcos at Robredo sa resulta ng recount at sa petisyong ibasura ang resulta ng vice presidential elections sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Sinabi naman ni Marcos, na sa kabila ng delay ay masaya siya dahil tuloy pa rin ang kanyang protesta.

“Siyempre masaya ako. … ‘Yung gusto ni Justice (Benjamin) Caguioa i-dismiss ‘yung kaso, na tapusin na ‘yung petition ko na sasabihing dismiss the entire petition, ‘yun ang hinihingi ni Justice Caguioa. Hindi pumayag ang Supreme Court,” ayon kay Marcos.

“So buhay ang kaso and it continues.  Ipaglalaban pa rin natin hanggang mapunta sa lahat ng ebidensiya na nais naming ipakita sa tribunal.  Nabigyan kami ng pagkakataon na ipakita lahat ng ebidensiya namin.  But the net result of today’s en banc decision is that tuloy ang kaso.  Hindi dinismiss yung kaso ko,” aniya pa.

Para kay Marcos, isa itong pagkakataon na maiprisinta sa korte ang lahat ng ebidensya tungkol sa umano’y dayaan.

Naninindigan din ang dating senador na siya ang tunay na nagwagi sa pagka- bise presidente sa nakalipas na halalan at ninakawan siya ni Robredo ng tatlong taon sa serbisyo.

“By conducting the cheating in the election, they robbed the proper vice president who won the election – myself – from the 3 years of service,” ayon pa kay Marcos.

Aminado naman si Marcos na dismayado siya sa tagal ng paghihintay para maupo bilang bise presidente ngunit nagpahayag ito ng kumpiyansa sa proseso ng batas at sa katarungan lalo’t kum­plikado ang kanyang kaso.

“Frustrated.  Dahil kung ako lang eh two days after ako nagfile ng protest tapos na eh.  Siyempre, and  every additional day is a little bit more frustrating but again, we abide by the system,” aniya pa nang makapayanam ng mga reporter matapos ang utos ng PET.

“Of course it’s frustrating pero what are you going to do? You have to trust the wisdom of our justices at saka the case is complicated; it is the first time any presidential protest has arrived to this stage,” dagdag pa niya.  “Maybe after all these, kailangan balikan natin ang sistema natin ng pagprotesta.  The whole electoral system.  Tingnan natin para mas maging maayos. It is not advantageous to our electoral system, our voters, our political system, the entire state that we wait for this long on an important decision.  But nonetheless, that was what happened the last three years.  What happened today is, the case goes on and we will go from strength to strength.”

Nagbigay pa ng maik­ling mensahe si Marcos para sa kanyang mga supporters at sinabing labis ang pasasalamat niya sa mga ito.  “Oh my God I cannot thank them enough. Kaya’t pag nakikita ko sila, lagi ako nagpapasalamat.  At hindi siguro umabot ang lakas ng loob namin ng ganito katagal kung wala sila diyan kaya’t thank you very much for you support at ito ngang ipinaglaban ninyo at ipinaglalaban natin ay maipagpatuloy natin at binigyan tayo ng pagkakataon ng PET na ipagpatuloy ang laban natin.”

Tumanggi naman si Marcos na magbigay ng mensahe sa kampo ni Robredo dahil kakausapin lamang aniya ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang mga abogado at hindi ng mga mamamaha­yag. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.