SA year 2023 pa posibleng maibabalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.
Ito ang inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., dahil ngayong taon pa lamang mag-uumpisa ang roll out ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Sinabi pa ni Galvez na pangunahing layunin ng vaccine roadmap ng bansa ay masagip at mailayo sa panganib ng COVID-19 ang buhay ng bawat Filipino.
Sa pamamagitan ng epektibong immunization program ay kumpiyansa si Galvez na maibabalik na rin sa normal ang takbo ng pamumuhay at galawan sa pagsapit ng 2023.
Pangunahing prayoridad ng pamahalaan sa kasalukuyan ay mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa upang mapigilan na ang pagkalat pa ng kaso nito.
Umakyat na sa mahigit 1.06 ang reproduction number ng COVID-19 sa Metro Manila.
Batay sa datos na inilabas ng University of the Philippines- OCTA research team, nasa 1.06 na ang r-naught sa Metro Manila.
Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang 0.8 na reproduction number bago mag-Pasko.
Ayon sa UP OCTA research team, ang pagtaaas ng r-naught ay indikasyon na tumataas nang muli ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Umaapela naman ang mga eksperto sa mga local government unit (LGU) na mas higpitan ang ipinatutupad na health standards upang mapababa ang kaso ng COVID-19.
Araw ng Lunes nang muling pumalo sa mahigit 2,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Comments are closed.