SA kauna-unahang pagkakataon ay makakaharap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nation at European Union members sa Brussels, Belgium at mahalaga ito sa Pangulo dahil ngayon na siya ang lider ng Pilipinas.
Sabado ng gabi nang tumulak si Pangulong Marcos sa Brussels at pasado ala-10 ng umaga kahapon ay lumapag ang Presidential plane PR 001 sa nasabing bansa.
Sa kanyang departure speech sa Villamor Airbase sa Pasay City, sinabi ng Punong Ehekutibo na prayoridad na kanyang tatalakayin sa nasabing pulong ang tungkol sa trade, maritime cooperation at climate action.
“I am pleased to highlight the Philippines’ role as country coordinator for ASEAN in its dialogue relations with the EU,” ayon sa Pangulong Marcos.
Tiniyak din ng Pangulo na makaraan ang serye ng summit na pinangasiwaan ng ASEAN Chair Cambodia nitong Nobyembre, nais niyang maging produktibo ang pulong na kikilala sa ASEAN at sa 45 taon o apat at kalahating dekada na relasyon ng Pilipinas at EU.
“And after the successful series of Summits hosted by ASEAN Chair Cambodia last month, I look forward to a productive and meaningful Summit that recognizes ASEAN and the EU’s four-and-a-half decades of long-standing relations,” giit pa ni Marcos.
Sinabi pa ni Marcos na nagkataong ang pagtungo niya sa Belgium ay selebrasyon ng 45 taong ASEAN-EU relations na nangangahulugang malalim na unawaan sa mga mahahalagang isyu na kaakibat ng regional organizations, gaya sa global at regional security challenges, sustainable development, economic cooperation, at iba pa.
Inaasahang mayroong sideline meetings si PBBM sa mga lider ng Belgium, Estonia, Czech Republic, Spain, Denmark, Germany, Poland, Finland, The Netherlands at sa European Union. EVELYN QUIROZ