(Sa face-to-face classes sa kolehiyoa face-to-face classes sa kolehiyo) 100% CLASSROOM CAPACITY PUWEDE NA

PUWEDE  na ang 100 porsiyentong classroom capacity sa mga kolehiyo na may face-to-face classes.

Ayon kay acting Presidential deputy spokesman Kris Ablan, pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang hirit ng Commission on Higher Education (CHED) na 100 porsiyentong face-to-face classes.

Ipatutupad lamang ito sa mga lugar na nasa Alert Level 1 o may mababang kaso ng COVID-19.
Giit ni Ablan, dapat ay fully vaccinated ang mga guro, estudyante at non-teaching personnel na papasok sa eskwelahan.

Ang mga estudyanteng hindi bakunado o isa pa lamang ang bakuna sa Alert Level 1 areas ay mananatili pa rin sa ilalim ng flexible learning modalities.

Para naman sa mga dormitoryo ng mga higher education institution, wala namang ipatutupad na restriction para sa operational capacity basta may clearance ang unibersidad mula sa kanilang lokal na pamahalaan.

Samantala, sinabi ni Ablan na inaatasan ng IATF ang mga HEI na nasa Alert Level 1 na sundin ang joint memorandum circular ng CHED at Department of Health (DOH) na magsagawa ng self assessment checklist bago sila magbukas.

Pinayagan din ng IATF na mamili ang mga unibersidad kung anong learning modalities ang kanilang gagamitin. RIZA ZUNIGA