IPINALABAS kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang 24-man Gilas Pilipinas pool para sa first window ng FIBA Asia Cup sa Pebrero.
Isasabak ng national team ang isang all-Filipino lineup na kabibilangan ng veterans, rookies, at collegiate players.
Nangunguna sa listahan sina Isaac Go, Rey Suerte, Matt Nieto, Allyn Bulanadi, at Mike Nieto, ang PBA rookies na napili sa special Gilas draft. Kasama rin sa pool sina Thirdy Ravena at Jaydee Tungcab, na tinapos ang kanilang UAAP playing years noong nakaraang season.
Ang collegiate players na kabilang sa pool ay sina Kobe Paras, Juan Gomez de Liaño, Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, Dwight Ramos, at Justin Baltazar.
Magbabalik din sina Marc Pingris, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Kiefer Ravena, Poy Erram, Matthew Wright, RR Pogoy, Ray Parks, CJ Perez, Mac Belo, at Christian Standhardinger para sa isa pang tour of duty para sa Gilas makaraang katawanin ang bansa sa mga naunang FIBA competitions.
Ang Filipinas ay nasa Group A kasama ang Indonesia, Thailand, at Korea. Magiging hosts ang Gilas sa Thailand sa Pebrero 20 at bibisita sa Indonesia sa Pebrero 23.