(Sa fire prevention awareness) SUNOG MAS MABUTING IWASAN KAYSA PATAYIN

PINAALALAHANAN ni Senadora Cynthia Villar ang publiko na mahigpit na sundin ang precautionary measures upang maiwasan ang sunog kaysa patayin o apulahin ito.

Sa pag-obserba sa “Fire Prevention Month” ngayong Marso, pina­ngunahan ni Villar ang fire safety awareness event na may temang , “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa,” na idinaos sa Hansuyin Covered Court at bagong Fire Station sa Hansuyin Village,Las Pinas.

Dumalo rito ang homeowners associations officials at barangay safety officials.

Nanguna ang senadora sa launching ng isa sa dalawang fire stations sa Las Pinas na bigay ni Deputy House Speaker Camille Villar na nasa Hansuyin Village sa Brgy. Talon. May isa pang bagong fire station sa Brgy. Almanza 2.

“We need to be safe and be aware of what to do to guarantee that we will not endanger the lives and limbs of everyone and their properties due to fires,” giit ni Villar.

Inilahad nito, ang safety measures upang maiwasan ang sunog. Ang mga ito ay ang sumusunod:

-Tanggalin sa pagkakasaksak ang gadgets na hindi ginagamit dahil maaari itong pagmulan ng sunog. Kapag nag-electric surge ang electronics gaya ng TV, radio, at gaming consoles, puwedeng maging sanhi ito ng sunog.

-Bantayan ang anumang apoy. Huwag iwanang bukas ang stove o LPG o nakasinding kandila

-Palagiang i-check ang lahat ng electrical connections.

-Tiyaking walang sagabal sa daan para madaling makalabas ng bahay sa sandaling may emergency.

Sa bisa ng Proclamation 115-A, ipinagdiriwang ng bansa ang Marso bilang “Fire Prevention Month” simula pa noong 1966 upang paigtingin ang public awareness sa pag-iwas sa sunog. VICKY CERVALES